Kuripot at Madamot Talaga Ako / Kasabihan sa Filipino: “Ako ang nagsaing, iba ang kumain.”

SHEENA RICARTE
3 min readMay 4, 2024

--

~ Linggo, May 5, 2024 Blog Post ~

Larawan mula sa TikTok account ni Filipino wealth coach Chinkee Tan

Isa sa mga ayaw kong tao ang nanggagamit at nakikinabang sa anumang pinaghirapan ko. Inaamin kong sobrang kuripot at madamot talaga ako. Ang gusto ko ay ako ang nakikinabang sa perang pinaghirapan at inipon ko.

May kasabihan sa Tagalog na “Ako ang ang nagsaing, iba ang kumain” o “Ako ang nagbayo, ako ang nagsaing saka ng maluto’y iba ang kumain.” Ang kahulugan nito’y ang isang tao ang nagpakahirap magtrabaho o kumayod, pero ibang tao ang nakinabang sa pinaghirapan niya. Iniiwasan ko ng lubusan ang ganitong sitwasyon.

Inuulit ko: Ang gusto ko ay ako ang nakikinabang sa perang pinaghirapan at inipon ko sa kadahilanang mahirap magtrabaho at kumita ng pera. Hindi naman napipitas lang ang pera sa puno! Sa praktikal na mundo, sobrang sensitibong bagay ang pera at hindi ka basta-basta lang na makakahingi sa tao nito. Bukod pa dito, nararapat lang na ako ang makinabang sa mga pagsisikap ko.

Minsan nagbibigay ako ng gamit o pagkain sa ibang tao kapag mayroong sobra sa bahay ko, pero bihira ang sitwasyong ganito at lalung-lalong bihira akong magbigay ng pera. Dahil sa ugali ko, bihira o walang pangyayaring may lumapit sa akin para humingi ng tulong pinansyal. May mga kamag-anak man akong humingi ng pera sa akin na kahit maliit na halaga lang, pero iniwasan ko sila at sinabihan ko sila ng kung anu-anong mga dahilan dahil hindi talaga ako nagbibigay ng donasyon o tulong pinansyal. Ayoko ngang mahingian ako ng pera dahil sobrang kuripot at madamot talaga ako. Labag sa kalooban kong magbigay ng tulong pinansyal.

Alam kong hindi ako dapat maging madamot sa aking kapwa dahil may kasabihan nga sa Bibliyang, “mas mapalad ang nagbibigay kaysa ang tumatanggap.” Bukod pa dito, sa buong buhay ko, walang tigil at sobra-sobra naman ang mga biyayang natatanggap ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil pinagpapala niya ako at ang pamilya ko, pero ayoko pa ring tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera.

Sa pamilya ko — mga magulang ko, Ate ko, at pamangkin ko — wala akong problemang magbigay ng tulong pinansyal man ito o iba pang uri ng suporta. Pero sila lang ang tinutulungan kong bukal sa kalooban ko. Hindi ko talaga ugaling magbahagi ng mga biyayang natatanggap ko sa ibang tao, lalung-lalo na ng pera. Mahirap namang magbigay ng tulong pinansyal ng napipilitan lang ako at hindi bukal sa kalooban ko, kaya huwag na lang akong lapitan at hingian ng pera.

Larawan mula sa FilipinoTimes.Net
Larawan mula sa FinancialAdviser.ph

Mga sanggunian:

https://brainly.ph/question/599724

https://brainly.ph/question/675788

https://www.collegesidekick.com/study-docs/5466791

https://www.facebook.com/doktordoktorlads/photos/huwag-kang-maging-madamot-sa-iyong-kapwa-mas-mapalad-ang-nagbibigay-kaysa-tumata/1482863355068609/

https://www.scribd.com/presentation/579067563/Kasabihan-Salawikain-at-Idyoma

https://www.tiktok.com/@chinkeetan/video/6865520348671036677

https://www.youtube.com/watch?v=_VZV8i1mcx4

--

--

SHEENA RICARTE

Freelance finance writer Sheena Ricarte's interests comprise international finance, economics, personal finance, asset protection law, & investment management.